Ang maling patakaran ng Pilipinas ay nakakasakit sa mga Pilipinong migrant worker sa Japan


Isang eskinita na may mga restoran sa Shinjuku, Tokyo. Sa mabilis na pagtanda ng populasyon ng Japan, padami nang padami ang Pilipino–kasama ang iba pang mga dayuhan–na pinapalitan ang mga manggagawang Hapones sa maraming industriya tulad ng industriya ng pagkain at serbisyo. Litrato ni Chris Young.

Isaalang-alang natin ang sitwasyon ni Rochelle, isang dating technical intern trainee na ngayon ay nagtatrabaho sa Nagoya City sa central Japan bilang isang Specified Skilled Worker (SSW).

Nang malapit nang matapos ang kanyang kontrata bilang isang technical intern trainee nang pawala na ang Covid pandemic, kailangang gumawa ni Rochelle ng desisyon: babalik siya sa Pilipinas at makikipagsapalaran sa hindi tiyak na job market, o maghahanap ng kumpanya sa Japan na handang kunin siya sa ilalim ng bagong SSW visa.

Si Rochelle ang nag-iisang breadwinner ng kanyang pamilya sa Quezon Province, na sumusuporta sa kanyang matatandang magulang at isang kapatid na babae na nag-aaral sa isang malapit na kolehiyo. Ang kanyang pinili, samakatuwid, ay malinaw: maghanap ng kumpanya bago matapos ang kanyang trainee visa at magpatuloy sa pagtatrabaho sa Land of the Rising Sun.

Sa kabutihang-palad, isang kaibigan na nakilala niya habang pumapasok sa isang Japanese language class ang nag-alok na ipakilala siya sa kanyang amo sa kumpanya nito kung saan maraming Pilipinong long-term at permanent resident ang nagtatrabaho.

Naging maayos ang job interview ni Rochelle, at nakatulong nang malaki na nakakapagsalita siya ng Nihongo na masigasig niyang inaaral, at nakapasa siya sa N3-level ng Japanese Language Proficiency Test, tamang-tama para sa mga sitwasyong ganito. Ipinasa ng kanyang bagong kumpanya ang lahat ng kinakailangang papeles sa Immigration Office sa Nagoya at nakatanggap siya ng SSW1 visa bago mag-expire ang kanyang trainee visa. Ang SSW1 visa ay magbibigay sa kanya ng maximum na limang taon–na maaring i-renew bawat taon–upang manirahan at magtrabaho sa Japan.

Nakahinga si Rochelle na naging maayos ang lahat–maliban lamang sa isang maliit na problema.

Ang buong pamamaraang ito ay itinuturing ng gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Osaka Migrant Workers Office (MWO) bilang “hindi tama at ilegal" ayon sa nilabas nitong Advisory No. 2023-004.

‘Huwag mag-hire ng Filipino workers nang walang Philippine Recruitment Agency’

Ang isang kumpany sa Japan na gustong kumuha ng mga Technical Intern Trainee o Specified Skilled Worker mula sa Pilipinas ay kinakailangang pakipagkontrata sa isang Philippine Recruitment Agency (PRA). Kailangan ito dahil trabaho ng PRA na maghanap ng mga angkop na kandidato sa Pilipinas, sanayin sila, i-process ang kanilang mga papeles at ipadala sila sa kumpanya sa Japan.

Gayunpaman, ang kumpanya ni Rochelle sa Japan na direktang nag-hire sa kanya sa Nagoya City ay hindi nakikita ang pangangailangan para sa isang PRA. Sa katunayan, marahil ay hindi nito alam kung ano ang isang PRA dahil hindi ito gumagamit ng mga manggagawang galing sa Pilipinas. Ang lahat ng mga empleyado ng kumpanya ni Rochelle–kabilang ang mga Pilipino–ay mga local hire. At kahit na alam ng kumpanya kung ano ang isang PRA, walang maaring maiisip na dahilan kung bakit kailangang makipagkontrata sa isang PRA ang kanyang boss.

Sa katunayan, kung iginiit ni Rochelle na kailangan ng kontrata sa isang PRA para i-hire siya ng kumpanya, malamang ay hindi siya binigyan ng pagkakataon ng kumpanya kahit para sa isang interview lamang. Malamang ay kumuha na lang sila ng iba–marahil isang Vietnamese na dating trainee, kung may isang naghahanap ng trabaho.

Sa ilalim ng batas ng Japan, ganap na legal ang ginawa ng Japanese company at ni Rochelle.

Gayunpaman, iginigiit ng pamahalaan ng Pilipinas na ito ay ilegal, at masigasig nitong parurusahan ang dalawa dahil sa matinding pagsalungat sa awtoridad ng Pilipinas.

Pinarurusahan ng patakaran ng Pilipinas ang mga kumpanya sa Japan sa pag-hire ng mga manggagawang Pilipino

Ang totoo ay marahil nakuha sa trabaho si Rochelle dahil walang alam ang kumpanya nito kung ano ang isang PRA, bukod pa sa hindi nito alam na ang pagkuha manggagawang Pilipino nang walang PRA ay “ilegal” ayon sa mga awtoridad ng Pilipinas. Kung alam ito ng kanyang kumpanya ay marahil nagdalawang-isip ito sa pag-hire sa kanya.

Sa kabilang banda, ang isang kumpanya sa Japan na kumukuha na ng mga Pilipinong technical intern trainee mula sa Pilipinas ay hindi nanaisin na sumalungat sa patakaran ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkuha ng mga Specified Skilled Workers na walang kontrata sa isang PRA, dahil baka mabawi ng mga awtoridad ng Pilipinas ang kaniyang lisensya para mag-hire ng mga trainee.

Kaya’t magkakaroon ng malubhang pangamba ang isang Japanese company sa pagkuha ng isang Pilipinong SSW, kahit na ang taong iyon ay sapat na kwalipikado para sa trabaho.

Sa halip na himukin ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga kumpanya sa Japan, “Mag-hire kayo ng maraming Pilipino!” tinatakot pa nila ang mga potential na employer: “Pag-isipan ninyong mabuti bago kayo kumuha ng manggagawang Pilipino–baka maparusahan kayo.”

Kaya naman hindi nakapagtataka na kahit na may ilang dekadang head start ang mga manggagawang Pilipino sa Japan, ngayon ay limang beses na ang dami ng mga manggagawang Vietnamese kaysa sa mga Pilipino, dahil walang mabigat na hinihinging requirement ang kanilang gobyerno mula sa mga kumpanyang Hapon.

Sa pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na parusahan ang mga kumpanyang Hapon na kumukuha ng mga manggagawang Pilipino, sinasaktan nito mismo ang kakayahang makahanap ng trabaho ng mga manggagawang Pilipino.

Direktang sinasaktan ng patakaran ng Pilipinas ang mga manggagawang Pilipino sa Japan

Ang isang Pilipinong SSW na nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Japan na walang kakontratang PRA ay direktang apektado rin ng mga patakaran ng Pilipinas.

Si Rochelle, sa kabila ng pagkakaroon ng matatag na trabaho sa isang kumpanya sa Japan, ay patuloy na nag-aalala na ang isa sa kanyang mga magulang ay magkasakit nang malubha, dahil hindi siya makakapunta sa Pilipinas nang hindi nawawalan ng trabaho–at hindi ito dahil sa tatanggalin siya sa kanyang kumpanya.

Ang totoo ay malaya siyang umuwi sa Pilipinas, ngunit hindi siya makakabalik sa kanyang trabaho sa Japan dahil hindi siya makakakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) mula sa DMO, at hindi siya makakaalis mula sa airport sa Pilipinas kung wala ito.

Ito ang kalagayan ng daan-daan–kung hindi man libu-libong–Pilipinong Specified Skilled Workers sa Japan, mga Pilipinong nagsisikap sa disenteng trabaho at walang palyang nagpapadala ng pera sa kanilang pamilya na nakakatulong pa sa ekonomiya ng Pilipinas, dahil sa hindi makatarungang patakaran ng gobyerno ng Pilipinas.

Upang ilarawan ang nakakatawang sitwasyong ito, si Jomer, isa pang Specified Skilled Worker sa kumpanya ni Rochell, ay walang nagawa kundi ang makipagkita sa kanyang asawa at dalawang anak sa Hongkong noong nakaraang tao–at gumastos nang malaki–dahil hindi niya sila mabisita sa Pilipinas.

May malalang mali sa patakaran ng isang bansa kung ang mga mamamayan nito ay kailangan pang pumunta sa ibang bansa upang makita ang kanilang mga mahal sa buhay dahil hindi nila sila mabisita sa sariling bansa sa takot na mawalan ng trabaho.

Pinalampas ng gobyerno ng Pilipinas ang gintong pagkakataon

Ang Specified Skilled Worker program ay isang sistema ng Japan upang makaakit ng mga medium-term at long-term na manggagawa upang maibsan ang talamak na kakulangan nito sa manpower.

Ang SSW1 visa ay nagbibigay ng karapatang manirahan at magtrabaho sa Japan ng maximum na 5 taon, na maaaring i-renew bawat taon. Pagkatapos ng 5 taon, ang Specified Skilled Worker na nagnanais na palawigin ang kanyang trabaho ay maaaring mag-apply para sa SSW2 visa, na maaaring i-renew nang walang hangganan at nagbibigay sa may hawak nito ng pahintulot na manirahan at magtrabaho sa Japan hangga’t siya ay kwalipikado.

Bukod dito, binibigyan ng SSW2 visa ang may hawak nito ng permiso na mag-aplay para sa residence visa para sa kanyang mga dependent (asawa at mga anak) upang makasama nila siya sa Japan. Pagkatapos ng pinagsamang 10 taon ng paghawak ng SSW1 at SSW2 visa, maaaring nang mag-apply ang manggagawa para sa isang permanent resident visa.

Dahil ang isang SSW visa ay nagbibigay sa may hawak nito ng landas tungo sa permanent residence sa Japan, maraming komentaristang Hapones ang nagsasabi na ito ay isang immigrant visa maliban lang sa pangalan, kaya lang ay hindi ito tinatawag ng gobyerno ng Japan nang ganoon para maiwasan ang posibleng reaksyon mula sa mas konserbatibong seksyon ng mamamayan nito.

Tulad ng unang alon ng mga manggagawang Pilipino na nagsimulang dumating sa Japan noong huling bahagi ng dekada 1970–karamihan ay mga babaeng entertainer na ngayon ay nakakuha na ng long-term at permanent residence sa bansa, dapat ay samantalahin ng gobyerno ng Pilipinas ang pagkakataong ito upang mapadali ang imigrasyon ng mga Pilipino sa Japan sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga hadlang sa kanilang pagtatrabaho.

Sa halip, patuloy na nagpapatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng mga patakaran na nagpapababa sa employability ng manggagawang Pilipino sa mga kumpanya sa Japan at nagpaparusa sa mga Pilipinong Specified Skilled Workers na may trabaho na.

Sa ngayon, hindi lamang ang limang beses na ang dami ng mga Vietnamese Specified Skilled Workers kumpara sa mga Pilipino, gaya ng nabanggit sa itaas, ang bilang ng Indonesian Specified Skilled Workers ay nalampasan na rin ang mga Pilipino at magpapatuloy ito sa hinaharap maliban na lamang kung itama ng gobyerno ng Pilipinas ang mga patakaran nito.

Ano ang dapat gawin?

Maraming pagbabago ang dapat gawin ng gobyerno ng Pilipinas para maitama ang patakaran nito.

  1. Dapat itigil ng Department of Migrant Workers ang pag-aatas sa mga kumpanya sa Japan na makipagkontrata sa isang Philippine Recruitment Agency bago sila direktang kumuha ng Pilipinong Specified Skilled Workers. Dapat ay prerogative ng Japanese employer na makipagkontrata sa isang PRA kung sa tingin nito ay kinakailangan.

    Gumagawa na ng exception ang DMW para sa ilang direct-hire na Pilipino sa Japan. Bakit hindi ganap na alisin ang hindi makatwirang requirement na ito?

  2. Dapat tanggalin ng DMW ang Overseas Employment Certificate (OEC). Ang proseso ng pagkuha ng OEC hindi lamang para sa Specified Skilled Worker kundi pati na rin sa iba pang manggagawang Pilipino ay napakagulo kaya’t may isang Facebook Group ng mga Pilipino sa Japan na ang tanging layunin lamang ay talakayin ang iba’t-ibang paraan at diskarte ng pagkuha ng walang-saysay na papel na ito.

    Hindi dapat pinipigilan ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-alis sa bansa ng mga Pilipinong may valid na working visa na inisyu ng gobyerno ng Japan.

  3. Ang mga Migrant Workers Offices sa Japan ay dapat lamang mag-atas sa mga nagtatrabahong Pilipino na magsumite ng pinakamababang bilang ng mga kinakailangang dokumento: 1. Residence Card (iniisyu ng Immigration Office ng Japan, nandito lahat ng kinakailangang personal na impormasyon ng may hawak, kasama ang uri ng visa); 2. Employment Certificate (iniisyu ng kumpanya); 3. Tax Certificate (iniisyu ng city hall, ang dokumentong ito (Kazei Shomeisho sa Hapon) ay nagpapatunay ng taunang kita at maaaring gamitin ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga layunin ng buwis).

    Ang mga dokumento sa itaas ay ang parehong mga dokumento na kinakailangan ng Immigration Office sa Japan para sa pag-renew ng visa. Bakit kailangan pa ng MWO ng iba?

    Tungkol sa mga dokumentong kinakailangan ng MWO mula sa mga kumpanya sa Japan, marami ang hindi katanggap-tanggap, ilegal o sadyang walang saysay. Halimbawa:

    • Pangako na susunod sa labor law ng Pilipinas (ang mga employer at manggagawa (Hapon man o dayuhan) sa Japan ay dapat sumunod sa labor law ng Japan, hindi sa labor law ng ibang bansa)
    • Listahan ng lahat ng empleyadong Pilipino ng kumpanya anuman ang residence status (labag ito sa mahigpit na privacy laws ng Japan)
    • Kopya ng pasaporte ng CEO (hindi kailangan at arbitrary lamang)

    Kaya hindi nakapagtataka na maraming kumpanya sa Japan ang tuwirang tumatanggi sa pagbigay ng mga dokumentong ito, at iniiwasang mag-hire ng mga Pilipino at kumukuha na lang ng manggagawa sa ibang bansa, o kaya ay ipinapasa na lang sa kanilang mga empleyadong Pilipino ang pagpapaliwanag sa MWO kung bakit hindi makuha ang mga dokumentong ito.

Dapat makapamuhay at makapagtrabaho ang mga manggagawang Pilipino sa Japan nang walang panghihimasok

Kung ang lahat ng nabanggit sa itaas ay tila hindi makatwiran, tandaan na mayroon nang isang grupo ng mga Pilipino na nagtatamasa ng mga benepisyo ng pagtatrabaho sa Japan nang hindi pinakikialaman ng gobyerno ng Pilipinas: ang Nikkeijin.

Ang Nikkeijin ay mga Pilipinong may mga ninunong Hapon. Simula noong 1980s, pinahintulutan silang manirahan at magtrabaho sa Japan sa parehong dahilan na isinusulong ngayon ng gobyerno ng Japan ang Specified Skilled Worker program nito: kailangan ng Japan ng mga dayuhang manggagawa.

Ang Nikkeijin ay naninirahan at nagtatrabaho sa Japan nang walang panghihimasok mula sa gobyerno ng Pilipinas. Walang nagsusuri ng mga employment contract na malaya nilang pinapasok sa mga kumpanya sa Japan. Pumupunta sila at binibisita ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas ayon sa gusto nila. Hindi nila kailangang mag-report sa Migrant Workers Office. Hindi nila kailangan ang OEC. Walang sinuman maliban sa Immigration Office sa Japan ang tumitingin sa kanilang katayuan sa trabaho.

Ang Nikkeijin at Specified Skilled Workers at iba pang nagtatrabahong Pilipino sa Japan na hindi permanent resident ay may katulad na katayuan tungkol sa kanilang visa; ang kanilang status of residence sa Japan ay nakasalalay sa kanilang trabaho at pagbabayad ng buwis.

Kung tinatamasa ng Nikkeijin ang hindi panghihimasok na ito mula sa gobyerno ng Pilipinas, bakit hindi ang Specified Skilled Workers, o kaya sinumang nagtatrabahong Pilipino sa Japan?

Ang pag-aalis ng mga hadlang sa pagtatrabaho para sa mga Pilipino sa Japan at pagpapadali sa kanilang malayang paglalakbay sa pagitan ng dalawang bansa ay maaari lamang maging kapaki-pakinabang para sa lahat ng kinauukulan–-maliban marahil sa mga recruitement agency-–at masisiguro ang deployment ng mas maraming Pilipino sa mga kumpanyang sa Japan na hanga sa work ethics ng mga Pilipino.

Ang mga manggagawang Pilipino sa Japan ay nararapat na magkaroon ng mapayapang isipan

Sabi ni Rochelle ay palagay niya ay maswerte siya na makapagpatuloy sa pagtatrabaho sa Japan, ngunit patuloy na nakakapagbigay sa kanya ng stress ang hindi niya mabisita ang kanyang pamilya sa loob ng maraming taon. Ngunit higit pa riyan, natatakot siyang dumating ang araw na kailangan niyang umuwi dahil sa isang emergency; malamang ay hindi na siya makakabalik sa Japan at mawalan siya ng trabaho.

Sinubukan niyang mangatuwiran sa MWO ngunit wala itong nagawa. Ang sagot sa kanya ay palaging “Dapat makipagkontrata ang iyong kumpanya sa isang PRA para makakuha ka ng OEC.” Hindi naman makita ng kumpanya niya kung bakit kailangan nito ng PRA, at kahit na sinubukan niyang maghanap ng ibang kumpanya na nakakontrata sa isang PRA, halos lahat ng SSW na kilala niya ay nagtatrabaho sa mga kumpanyang wala ang mga ito.

Nakalulungkot na hindi pambihira ang sitwasyon ni Rochelle.

Hindi mabilang ang dami ng iba pang katulad niya, mga Specified Skilled Workers na nagtatrabaho sa mga kumpanyang walang kontrata sa isang PRA. Kailangan nilang magtrabaho sa Japan, at hindi sila makakauwi sa Pilipinas dahil mawawalan sila sa trabaho. Sila ay naipit sa isang virtual limbo, at ang gobyerno ng Pilipinas ay pikitmata lamang sa kanilang kalagayan.

At lalala pa lalo ang sitwasyong ito habang parami nang parami ang mga technical intern trainee na matatapos na ang kontrata at pumipiling magpatuloy sa pagtatrabaho bilang Specified Skilled Workers.

Sa pagtatrabaho sa ibang bansa na malayo sa pamilya, patuloy na ginagawa ng mga migranteng manggagawang Pilipino ang kanilang bahagi sa pagtulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa statistics mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga Pilipino sa Japan ay nag-remit ng $1.6 bilyon sa Pilipinas noong 2022, pangatlo sa likod lamang ng US at Saudi Arabia. Ang kanilang kontribusyon ay dapat bigyan ng pabuya, hindi parusa.

Si Rochelle at marami pang masisipag na Pilipinong tulad niya ay karapat-dapat lamang na makabisita sa kanilang tahanan sa Pilipinas nang walang takot na mawalan ng trabaho. Panahon na upang ihinto ng gobyerno ng Pilipinas ang pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan at sikapin na baguhin ang mga mapaminsalang patakaran nito na patuloy na nakakasakit sa mga “Bagong Bayani.”

Basahin ang artikulong ito sa Ingles.