Kung residente ka ng Japan ay malamang narinig mo na ang tatlong dokumentong ito na popular sa mas maikling tawag na Kazei, Nōzei at Gensen. Kapag magre-renew ng visa ay palaging hinihingi ng Immigration Office ang mga dokumentong ito.
Para saan ba ang mga ito at saan kinukuha?
Kazei Shōmeisho (課税証明書) at Nōzei Shōmeisho (納税証明書)
Kazei Shōmeisho (課税証明書) Tax Certificate
Ang Kazei Shōmeisho (Tax Certificate) ay isang dokumento na ini-issue ng city hall kung saan nakasulat ang iba’t-ibang pinansyal na impormasyon ng isang residente ng Japan, kagaya ng halaga ng residence tax, magkano ng kita (suweldo), bilang ng dependent na pamilya, tax deduction, at iba pa. Kailangan ito ng Immigration Office para malaman ang katayuang pinansyal ng isang indibidwal.
Nōzei Shomeisho (納税証明書) Tax Payment Certificate
Ang Nōzei Shōmeisho (Tax Payment Certificate) naman ay isang dokumento na ini-issue din ng city hall kung saan nakasulat ang sitwasyon ng pagbabayad ng tax ng isang residente. Kailangan ito ng Immigration Office sa oras ng pagre-renew ng visa upang malaman kung hindi ka pumapalya sa pagbabayad ng buwis.
Sa madaling salita, ang Kazei Shōmeisho ay para malaman ang kita mo na pinapatawan ng buwis (at kung nagtatrabaho ka o hindi), at ang Nōzei Shōmeisho naman ay para malaman na nagbabayad ka ng buwis, dalawang importanteng bagay para makapag-desisyon ang opisyal ng Immigration Office kung isa kang ulirang residente para bigyan ng extension ng visa.
Hikazei Shōmeisho (非課税証明書)
Kung mababa ang kita mo o kung wala (¥0) kang residence tax dahil sa iba’t-ibang dahilan, hindi ka makakakuha ng Kazei Shōmeisho. Sa halip ay iisyuhan ka ng city hall ng tinatawag na Hikazei Shōmeisho (Tax Exemption Certificate) na halos kapareho lang ng hitsura ng Kazei Shōmeisho.
Dahil zero ang tax mo, siyempre hindi ka nagbayad ng tax kaya hindi ka rin mabibigyan ng Nōzei Shomeisho. Walang dokumento na ini-issue ang city hall kapalit ng Nōzei Shoimeisho kaya ang Hikazei Shōmeisho lang ang maari mong ipasa sa Immigration Office kung mababa ang kita mo.
Latest Kazei Shōmeisho at Nōzei Shōmeisho
Bukod sa pagpasa ng isang papel ng Kazei Shōmeisho at isang papel ng Nōzei Shōmeisho, may mga oras pinapapasa ang nagre-renew ng visa ng “latest 3 years” o “latest 5 years” depende kung hindi maganda ang gising ng opisyal sa Immigration Office.
Ano ba ang ibig sabihin ng “latest” na ito?
Kunyari, ang Kazei at Nōzei Shōmeisho ng 2023 ay iniisyu ng city hall base sa kita at buwis ng nakaraang taon ng 2022 (January 2022 hanggang December 2022). Pero, kahit sabihin nating taong 2023 na ngayon, hindi pa maisyu ng city hall ang 2023 Kazei at Nōzei Shōmeisho kung hindi pa buwan ng June (karamihan).
Kaya kung pumunta ka sa Immigration Office ng April 2023 (hindi pa June), ang latest na madadala mo ay ang 2022 Nōzei at Kazei Shōmeisho, na base sa kita at pagbabayad mo ng buwis ng taong 2021.
Siyempre, sabihin mo lang sa city hall na “kailangan ko ng latest na tatlong taon” ay ibibigay nila sa iyo ang tatlong latest na Kazei at Nōzei Shōmeisho na maari nilang iisyu.
Gensen Chōshūhyō (源泉徴収票)
Ano naman ang Gensen na ito?
Kung pumunta ka sa Immigration Office ng April 2023 at dala mo ang 2022 Kazei at Nōzei Shōmeisho na base sa kita at buwis mo ng 2021, hindi malalaman ng opisyal doon kung may trabaho ka at nagbayad ka ng tax sa 2022.
Malamang gusto nilang malaman ito.
Gensen Chōshūhyō (源泉徴収票) Withholding Tax Slip
Kung nagtatrabaho ka sa isang kumpanya (kagaya ng karamihan sa atin), ipapapasa ng Immigration Office sa iyo ang tinatawag na Gensen Chōshūhyō (Withholding Tax Slip) na kilala sa mas maikling tawag na “Gensen”.
Isang maliit (hindi lalaki sa A5-size) na papel (slip) ito na binibigay ng pinagtatrabahuhang kumpanya sa December o January ng susunod na taon kung saan nakasulat ang natanggap mong suweldo mula sa kumpanya sa buong taon (mula January hanggang December).
Karamihan ay kasama ito ng payslip (na base sa pinasok sa trabaho sa buwan ng December) na binibigay sa buwan ng January.
Kung sakaling wala ka rin nitong Gensen dahil sa kung ano mang dahilan ay maaring ipapasa sa iyo ng Immigration Office ang buwanan mong payslip.
Saan nga ulit kinukuha Kazei, Nōzei at Gensen?
Tungkol sa Kazei at Nōzei Shōmeisho, nakasulat sa itaas na iniisyu ng city hall ang mga ito. Pero hindi lang kahit saang city hall.
Ang Kazei at Nōzei Shōmeisho ng taon na gusto mong kunin ay maari lang iisyu ng city hall ng lungsod kung saan ka nakatira sa January 1 ng taong iyon.
Tingnan nating ang table sa ibaba.
Table: Place of Issue of Kazei Shōmeisho and Nōzei Shōmeisho
Year | Based on Period | Place of Issue |
---|---|---|
2023 | Jan, 2022 to Dec, 2022 | Kung saan ka nakatira ng Jan 1, 2023 |
2022 | Jan, 2021 to Dec, 2021 | Kung saan ka nakatira ng Jan 1, 2022 |
2021 | Jan, 2020 to Dec, 2020 | Kung saan ka nakatira ng Jan 1, 2021 |
Kunyari, pagkatapos ng tatlong taong paninirahan sa Mino, Gifu Prefecture ay lumipat ka sa Tsuchiura, Ibaraki Prefecture noong July, 2023. Sa sumunod na buwan August, 2023 ay pumunta ka sa Immigration Office para mag-renew ng visa at pinapapasa sa iyo ang latest na Kazei at Nōzei Shōmeisho.
Dahil August, 2023 na ay puwede mo nang makuha sa city hall ang pinaka-latest na 2023 Kazei at Nōzei Shōmeisho.
Pero hindi mula sa city hall ng Tsuchiura, Ibaraki.
Ang makakapag-isyu lang nito ay ang Mino City Hall sa Gifu Prefecture, kung saan ka nakatira noong January 1, 2023.
Paano mo kukunin ito?
Kung marami kang oras at gas, puwede kang mag-drive ng 500km papunta sa Mino mula sa Tsuchiura para kunin nang personal ang kailangan mong Kazei at Nōzei Shōmeisho.
Puwede ka ring tumawag sa Mino City Hall para i-request na ipadala sa iyo ang kailangan mong dokumento (kailangan kang magpadala sa kanila ng application form, kopya ng residence certificate at/o passport, at return envelope).
O maari mong ipakuha ito sa kamag-anak o kaibigan sa Mino at i-mail sa iyo (kailangan mong magpadala sa kanya ng tinatawag na Ininjō (Letter of Authorization 委任状) para gawin ito).
Tungkol naman sa Gensen, makukuha lang nito sa pinagtrabahuhan mong kumpanya. Kung hindi ka na nagtatrabaho doon, pinakamainam na tumawag sa telepono at itanong kung paano kunin ito sa kanila.
Para maiwasan ang ganitong abala ay itago ang lahat ng Gensen na binibigay ng kumpanyang pinagtatrabahuhan.
Nōzei Shōmeisho Sono 3 (納税証明書(その3))
May isang espesyal ng Nōzei Shōmeisho na tinatawag na Nōzei Shōmeisho Sono 3, na pinapasa sa Immigration Office kung nag-a-apply ng Permanent Residence. Nakasulat sa dokumentong ito kung nagbabayad ka ng iba’t-ibang uri ng national tax (kagaya ng income tax).
Hindi ito iniisyu ng city hall kundi ng Tax Office na may jurisdiction sa lugar kung saan ka kasalukuyang nakatira.
Konklusyon
Sa panghuli, importante ang Kazei, Nōzei at Gensen sa pag-renew ng visa dahil dito malalaman ng Immigration Office kung nagtatrabaho ka at nagbabayad nang tama ng buwis. Kaya kung gusto mong manatili sa Japan nang matagal, kailangang may regular kang trabaho at hindi ka pumapalya sa pagbabayad ng buwis.
Kung matagal ka nang nakatira (10 years) at nagtatrabaho (5 years) at nagbabayad ng buwis sa Japan ay maari ka nang mag-apply ng Permanent Residence visa.
Ang maganda sa pagiging permanent resident (bukod sa walang restriction sa part-time work o pagtayo ng business) ay hindi ka na kailangang pumunta sa Immigration Office taon-taon para mag-renew ng visa at magpasa ng Kazei at Nōzei Shōmeisho at Gensen.