Birdwatching: masdan ang mga ibon


Little egret by OrnaW

Hindi ko dati maintindihan ang gawaing ito. Hindi man lang bird photography. Okay, nakakita ka ng ibon. E ano ngayon?

May kaibigan ako dati na nagbenta sa akin ng isang Olympus 8x40 na binoculars nang 5,000 yen. Wala akong maisip paggamitan sa binoculars pero dahil kailangan niya ng pera ay binigay ko sa kanya, kaya ako nagkaroon ng binoculars.

Paminsan-minsan nilalabas ko yung binoculars, kapag maisipan, pero karamihan nasa loob lang ng cabinet, kasama ng aking Olympus SLR na bihirang gamitin.

Pero kahapon ay bigla kong naisipang obserbahan ang mga tagak, itik at uwak na tumatambay sa mga palayan na malapit sa aming bahay. Walang magawa sa umaga at hapon kaya lumabas ako bitbit ang binoculars at nag-birdwatching (walang ibon sa tanghali, siesta).

Nakakatuwang pagmasdan ang mga ibon sa palayan habang nanghuhuli sila ng pagkain. Minsan naisip ko kung meron sana akong 400/f2.8 o 300/f2.8 na lens para makuhanan ng picture ang mga ito.

(Hindi yata aabot ang 70-200/f2.8 dahil mailap ang mga ibon at biglang lilipad kapag napansin ka).


Common crow hunting by jggrz

Pero naisip ko rin na magiging kumplikado ang isang simpleng hobby na kagaya ng birdwatching–bukod pa sa mamahal (ang isang disenteng lens para sa birdwatching ay hindi siguro bababa sa 100,000 yen).

Isa pa ay kung minsan ay mas magandang ma-experience ang isang bagay nang sarili mo lang, 100% ang focus mo sa isang activity at hindi ka distracted sa pagkuha ng picture o video, siguro parang isang hobby na kagaya ng fishing, nagrerelaks ka lang.

Nung maliit ako natutuwa akong panoorin ang lolo kong ekspertong gumawa ng malalaking (as in kasing laki ng isang kwarto) basket na gawa sa buho.

Parang ganoon siguro ang tuwa kapag pinapanuod ang mga ibon habang palakad-lakad at nanghuhuli ng maliliit na isda (tagak) at mga ulang (uwak) o nagmumumog lang ng putik (itik).

Wala akong nakitang tagak na nakahuli ng palaka, puro maliliit na isda na parang hito. Yung mga uwak naman ay sa paghuli ng ulang eskperto, binabali nila yung sipit bago kainin ang malambot na parte ng katawan sa may tiyan.


Little egret catches fish by andreiprodan_

Pero mapunta tayo sa original na tanong: e ano ngayon? Ano ang maganda sa birdwatching?

Una, kahit na anong outdoor activity ay maganda para sa ating mental at physical health, kaysa nasa bahay lang tayo naglalaro ng video games o nanunood ng Netflix o nakaharap sa computer.

Pangalawa, bihira na tayong makakita ng mga wild animals sa kanilang natural habitat at ang birdwatching ay isang activity na hindi kailangan ng maraming pera para obserbahan ang mga hayop na ito. Ang totoo ay natutuwa ako at lalakad lang ako ng ilang metro sa labas ng bahay ay magagawa ko na ito.

Pangatlo, sa ganitong activity ay nagkakaroon (ulit) tayo ng koneksyon sa kalikasan at nagiging mas aware tayo sa kahalagahan nito sa ating buhay–kaya siyempre kailangan natin itong pangalagaan.

Importante ito lalo na ngayong maraming uri ng hayop at halaman ang tuluyan nang namamatay dahil sa pagkawasak ng kanilang tirahan–bukod pa sa tuloy-tuloy na pag-init ng mundo dahil sa gawain ng mga tao.