Impression sa mga Pinoy trainees a Japan base sa apartment inspection

Recently, kasama ko si D-san at first time na bumisita sa apartment ng mga trainees at ito ang kanyang impressions.

Mahilig sa malalaking kahon ang mga Pinoy

Sa isang apartment: “Nani kono dekkai danboru? Mono ippai haiteru.” “Nilalagyan yan ng mga Pinoy ng kung ano-anong bagay hanggang mapuno tapos ipapadala nila sa Pilipinas.” “Ganito kalaki? Paano ibababa yan sa first floor?” “…”

Ginugulong? Baka hinuhulog lang nila sa bintana.

Sa susunod na apartment: “Mata danboru!” Sa mga susunod pang apartment (yung iba nakatupi pa ang mga kahon): “Mata danboru! Firipinjin wa danboru suki desu ne.”

Nag-aalala si D-san sa dami ng mga higanteng kahon sa mga apartment kung makakapag evacuate ng maayos kapag may lindol.

Mahilig sa sibuyas ang mga Pinoy

Pagbukas ng ref: “Firipinjin wa tamanegi ga suki desu ne!” Naisip ko, what a weird thing to say. Bakit hindi ba gumagamit ng sibuyas ang mga Hapon? Tapos naalala ko na naganegi nga pala ang gamit nila palagi, sa mga grocery stores mapapansing palaging may nakausling naganegi sa mga pinamili nila.

“Wala kasing naganegi sa Pilipinas kaya tamanegi ang palaging ginagamit namin.” Noong maliit ako gamit namin palagi yung pulang maliliit na sibuyas, sa Japan lang yata ako nagsimulang gumamit ng malalaking puti na klase.

“Naganegi nai desu ka?” “Mainit sa Pilipinas kaya hindi tumutubo ang naganegi.”

Masarap ang naganegi, kailangan ko yatang bumili ng naganegi palagi.

Mahilig tumanggap ng mga bagay ang mga Pinoy

Basta libre, tanggap agad.

May nakita kaming mukhang sirang TV at iba pang malalaking bagay (may sofa) na nakatambak sa labas ng apartment. Hindi ko alam ang kuwento nitong TV pero malamang binigay ng iba tapos nasira (dahil luma na).

Minsan, may nagbigay din sa akin ng isang dambuhalang TV (mga 60-inch yata yon). Tinaggap ko naman dahil 32-inch lang ang TV sa bahay, at siyempre… LIBRE. Pagkatapos ng dalawang linggo nasira, at dahil hindi ito pwedeng itapon, kailangan ko pang dalhin sa K’s Denki at nagbayad pa ako ng 5,000yen para lang i-dispose. Ngayon 32-inch pa rin ang TV sa bahay at nawalan pa ako ng 5,000yen.

Aral: mag-ingat sa mga kaibigang may binibigay na libre.

Mas malinis ang mga babae (with exceptions)

Sa mga apartment ng mga lalaki, may malinis at may madumi. Ang apartment ng mga babae ay malinis. Pero may pinuntahan kaming isang kwarto sa apartmeng ng boys na super linis at super ayos.

“Uwaa! Kerei da ne, koko!” sabi ni D-san. “Daidokoro mo kirei! Supun, foku, osara, gurasu kerei ni narabete iru! Sugoi sugoi! Honto ni otoko ga sunderun desu koko?!” “sOu dEsU” “Sugoku kerei desu.”


Maduming kalan sa apartment ng mga boys.

Mahilig sa Nike sneakers at baseball caps ang mga Pinoy

Maraming apartment ang may display ng mga Nike sneakers at baseball caps. Iba-ibang kulay, iba-ibang design at nakadisplay sa ding-ding o mga shelves. Bakit walang Adidas o New Balance? Hindi ko alam. Siguro dahil sikat ang Nike dahil sa basketball, at mahilig sa basketball ang mga Pinoy.

Bakit baseball caps e hindi naman mahilig sa baseball ang mga Pinoy? Hmm, hindi ko alam, haha, dahil lang siguro sa mainit at kailangan ng saklob sa ulo?

Mahilig sa gaming PC, road bikes, gym equipment ng mga Pinoy

Kapansin-pansin ang mga gaming PC (siguro dahil hindi naman ganon karami), magagandang road bikes (gamit nila yan pag pupunta sa malayo sabi ko) at gym equipment (mukhang marami ang health- at fitness-conscious sa mga kabataan).