May ginawang test sa Production Management Class 3 para sa mga specified skilled workers sa manufacturing sector nitong nakaraang October.
Sa ibaba ay ang ginawa kong informal interview kay Mark, specified skilled worker sa aming kaisha at isa sa mga pumasa sa test. Gusto kong malaman ang motivation niya sa pagkuha ng test at kung anong klaseng pag-aaral ang ginawa niya para maipasa ito.
May dalawang importanteng points ang nakuha ko sa interview na ito:
-
Kailangan magbigay ng maraming oras at gumawa ng regular na pag-aaral ng Nihongo at kanji para ipasa ang test. (Bilang long-term student ng Nihongo, alam ko ito umpisa pa lang.)
-
Hindi lang pagbabasa ng libro, maraming resources at tools na maaring gamitin para sa pag-aaral ng Nihongo at pag-memorize ng mga salita at kanji. Kasama na dito kunyari ang pagbabasa ng news sa NHK, paggamit ng flashcard software na kagaya ng Anki, at paggamit ng Artificial Intelligence (AI), at iba pa. (Ito ay bago sa akin dahil traditional ang alam kong pag-aaral: pagbabasa ng libro at pagsusulat.)
Sana makatulong ang interview na ito sa mga nagbabalak din na kumuha mga test para sa pagkuha ng SSW2 visa.
Reon: Mark, ikaw ang una kong kakilala na pumasa sa Class 3 Business Career exam ng Production Management. Omedeto gozaimasu!
Gusto sana kitang interbyuhin para makakuha ng idea ang iba na nagbabalak ding kumuha ng test tungkol sa ginawa mong pag-aaral.
Una, bigyan mo kami ng background kung paano ka dumating sa Japan at tungkol sa trabaho mo ngayon.
Mark: Dumating ako sa Japan bilang technical intern trainee noong 2018, grupo kami ng 9 na trainees. Electronic equipment assembly, ang trabaho namin gumagawa ng printer dito sa isang kumpanya sa Ami, Ibaraki.
Nung umpisa three years yung contract namin, tapos binigyan kami ng two years na extension. Pagkatapos, noong 2023 ay nagpatuloy kami sa parehong kaisha bilang specified skilled worker, kaya ngayon ang visa ko ay SSW1, at may 7 years na ako sa Japan.
R: Bago kayo pumunta sa Japan 4 months kayong nag-aral ng Nihongo sa Pilipinas, tama ba?
M: Tama, basic Nihongo ang pinag-aralan namin doon, hiragana, katakana, at basic grammar. JPLT N5 level na Nihongo.
R: Tapos nung dumating kayo sa Japan, meron pang additional na 1 month na Nihongo class.
M: Meron ding Nihongo classes, pero mostly cultural ang tinuturo nila doon, tungkol sa paninirahan sa Japan, pagsakay ng tren, paggamit ng ATM, mga ganoon ba.
R: Kumusta naman ang Nihongo mo nung dumating ka na sa Japan? Naipagpatuloy mo ba ang pag-aaral? May nakakausap ka bang Japanese sa trabaho?
M: May dala kaming textbook mula sa Pilipinas, yung Minna no Nihongo pero hindi ko masyadong gusto yong librong yon. Kaya naghanap ako sa internet ng ibang resources, kunyari yong Yashashi Kotoba News ng NHK, puwede mong basahin ang news ng may hiragana yung mga kanji, may option din na puwedeng pakinggan habang binabasa yung news.
Sa trabaho naman, dahil maraming Pilipino sa kaisha, hindi lang mga trainee, konti lang ang chance namin na makausap ng mga Hapon. Kailangan talagang mag-aral sa sarili mo para hindi malimutan ang Nihongo.
R: Regular ka bang nag-aaral ng Nihongo?
M: Hindi naman araw-araw, pero nagtatabi ako ng oras para makapag-aaral ng Nihongo.
R: May mga lugar na nag-o-offer ng libre na Nihongo classes. Nakapag-attend ka na ba ng mga ganitong classes?
M: Dati pumupunta ako sa community center dito sa Ami, meron silang libreng Nihongo class sa Sunday. Kaso malayo, ten kilometers yata one way, tapos kapag umuulan mababasa ka pa. Hindi ako masyadong nagtagal doon kaya nag-aral na lang ako sa sarili ko.
R: Maraming trainee ang nalilimutan nang mag-aral ng Nihongo pagdating nila sa Japan. Ikaw, ano naman ang motivation mo para magbigay ng oras para sa pag-aaral ng Nihongo? Sa panahon ngayon, maraming distraction, kagaya ng social media at Youtube, etc.
M: Siguro nasanay lang ako sa idea na kapag mag-aral ka, somehow gaganda ang buhay mo. Pumunta ako sa Japan bilang trainee, at kumpara sa iba na matagal nang nakatira sa Japan parang walang ka masyadong freedom, hindi ka makalipat ng trabaho kunyari. Siguro naisip ko na habang tumataas ang level ng Nihongo ko, mas dadami ako ng options sa buhay, mas magkakaroon ka ng freedom kung baga.
Karamihan din ng mga trainee ay maraming overtime sa trabaho kaya mahirap magbigay ng oras sa pag-aaral. Pagdating mo sa bahay pagod ka na. Tapos kung may pamilya ka sa Pilipinas, kailangan mo pang makipa-video chat sa kanila, wala nang time masyado para sa ibang bagay, lalo na sa pag-aaral.
Hindi ako sociable na tao kaya bihira ako sa Facebook at ibang social media, kaya may time akong mag-aral. Nanonood din naman ako ng Youtube, pero para din sa mga Nihongo tutorial videos na nandoon.
R: Tungkol naman sa kanji, maraming Pilipino ang nadi-discourage sa pag-aaral ng Nihongo dahil sa kanji. Paano ka nag-aaral ng kanji?
M: Noong kadarating ko lang sa Japan, nagbayad ako ng lifetime membership sa WaniKani, mga 20,000 yata yong binayad ko. Effective naman, marami akong natutunan na kanji.
Grade 2 kanji by palinus
Tapos, gumagamit din ako ng Anki, yung flashcard software na pang-memorize ng mga kanji at mga salita. Puwedeng i-download sa PC at may app para sa cellphone. May mga tinatawag silang “decks”, i-input mo doon yung gusto mong ma-memorize na kanji o salita o kahit na isang sentence, tapos ire-review mo hanggang hindi mo na malimutan.
Hindi ako kumakain sa umaga, gagawa lang ako ng kape tapos may oras pa akong rebyuhin yung mga ginawa kong decks. Ginagawa ko ito araw-araw.
R: Narinig ko na yang Anki pero hindi ko pa nagamit nang husto. Bilang old-school type, ang alam ko lang na pag-aaral ng kanji ay magbabasa ng libro, hahanapin ang mga kanji sa kanji dictionary, at isusulat ng paulit-ulit sa notebook, parang ginagawa ng mga bata sa elementary school sa Japan.
M: Hindi ko lang alam kung magagawa ko yang traditional na pagbabasa at pag-aaral ng kanji. Parang mabagal gawin.
R: Kumuha ka na ba ng JLPT?
M: Noong 2022 yata yon, kumuha ako ng JLPT N4, pasado naman.
R: Hindi ka na ulit kumuha?
M: Hindi na, e.
R: Sa palagay mo, ano ang JLPT level mo ngayon? Estimate lang.
M: Mga N3 siguro.
R: So sa palagay mo ay kung N3-level ang Nihongo mo, papasa ka doon sa Class 3 Business Career test?
M: Kung N3-level ka, palagay ko ay meron ka nang foundation para aralin yung mga libro ng Production Management. Mahirap siyempreng mag-aral para sa ganitong exam nang N5 or N4 pa lang ang Nihongo level mo.
Marami pang salita at kanji ang kailangang aralin para lang maintindihan yung mga questions at bukod pa sa pagpasa sa test.
R: Mapunta tayo sa mga test para sa pagkuha ng SSW2 visa. Ano ang mga ito?
M: Ang alam ko, dawalang test ang kailangan para makapag-apply sa SSW2 visa para sa mga trabahong related sa manufacturing. Una yung Manufacturing Sector Specified Skill Evaluation test. Tinignan ko yung mga sample questions sa Internet at mukhang madali lang[1], parang katulad lang nung mga test na kinuha namin nung technical intern trainee pa lang kami.
Pangalawa itong katatapos lang na Production Management Business Career test. Mas mahirap itong Production Management test kaya ito yung pinagtuunan ko ng pansin. Ngayon at pumasa na ako, balak ko namang kunin yung Specified Skill Evaluation test.
Production Management Planning (with furigana) book cover
R: Itong Production Management test may may dalawang klase: mamimili ka yung Production Management Planning o kaya Production Management Operation. Bakit mo napili yung Planning?
M: Tinignan ko yung mga sample test questions sa website ng Javada. Parang mas madali yung mga tanong sa Planning, mas general ang mga terms, mga definitions lang hindi kagaya ng Operation, may mga computation ka pa yatang kailangang gawin.
Hindi ako sigurado siyempre, pero para sa akin parang mas madali yung Planning kaya yun ang inaral ko. Siguro kalahati ng mga tanong ang pareho lang para sa Planning at Operation, at kalahati naman exclusive lang sa Planning o Operation.
R: Ano naman ang mga study materials na ginamit mo sa pag-aaral?
M: Bumili ako ng tatlong libro: yung kulay green na Production Management 3rd Edition, kailangan ito kahit na Planning o Operation ang kukunin mong test. Pangalawa yung Production Management Planning 3rd Edition din. Tapos, bumili rin ako nung sample questions na libro. Yung sample question na libro, magkahalo ang mga tanong ng Planning at Operation.
Tapos dinowload ko rin yung mga sample test questions sa Javada.
Ang totoo, akala ko nga hindi ako papasa kaya pagkatapos nung test, binili ko rin yung dalawang bagong labas lang na mga pink na libro, Production Management at Production Management Planning, pareho lang doon sa mga binili kong una pero may mga furigana ang mga kanji kaya mas madaling basahin para sa mga baguhan.
R: Nung una mong binasa yung mga libro, naintindihan mo naman?
M: Nung umpisa hindi ko maintindihan, maraming salita na naka-kanji na hindi ko mabasa, yung iba naman na nababasa ko hindi ko alam ang ibig sabihin.
Kaya ang ginawa ko, bumili ako ng scanner sa Amazon, ini-scan ko isa-sa yung page nung mga libro, tapos sinave ko sa Word document, tapos trinanslate ko sa Google.
Tapos, binasa ko yung English translation nung mga libro.
R: Mukhang maraming oras ang binigay mo para dyan, a. Pag-scan ng libro at pag-translate. Gumastos ka pa para sa scanner.
M: Mahabang proseso talaga, pero yon ang kailangang gawin. Yung scanner binili ko sa Amazon, mga 10,000 yen yata.
R: Binasa mo rin ba yung original na Nihongo na libro pagkatapos mo basahin yung English translation?
M: Actually, hindi ko masyadong binasa yung original na libro. Ang pinagtuunan ko ng pansin ay yung mga sample questions. So parang baliktad yung ganawa ko, binabasa ko yung sample questions tapos kapag hindi ko alam ang sagot saka ko hahanapin yung sagot sa libro.
R: Ibig sabihin, binasa mo yung English translation nung libro para may idea ka na tungkol sa Production Management Planning, saka mo inisa-isa yung mga sample questions.
M: Ganoon na nga.
R: So paano ang ginagawa mong pag-aaral ng mga sample questions?
M: Ini-scan ko rin yung lahat ng sample questions galing sa website ng Javada kagaya nung mga libro. Tapos nilagay ko sa isang Word [2] file, tapos in-upload ko sa AI (Deepseek). Lalabas ang tamang sagot, pati mga iba’t-ibang salita at mga ibig sabihin nila.
Puwede ring i-copy-and-paste yung bawat isang tanong.
Walang sagot yung sample questions sa Javada kaya pinasagot ko sa AI. May mga mali siguro ang mga sagot niya pero mukhang reasonable din karamihan.
Tapos puwede ring ipa-explain sa AI yung mga konsepto kung gusto mo ng in-depth. Kunyari, may tanong tungkol sa 5S, pwede mong itanong sa AI ang tamang sagot, tapos ipa-explain mo sa kanya kung ano ang 5S, para mas maintindihan mo nang mabuti.

Example AI prompt for Midjourney AI (from Learn Prompt)
R: Hindi ko yata naisip na gumamit ng AI para sa mga ganyan. So meron kang computer sa bahay para gawin yang pag-scan ng mga libro, at pag-translate at pag-interact sa AI?
M: Meron, kailangan may sarili kang computer sa bahay. Mahirap mag-aral nang cellphone lang gamit mo.
R: May partikular na dahilan ba kung bakit Deepseek ang ginamit mong AI, hindi ChatGPT?
M: Minsan, nagkakaroon ng error sa ChatGPT kapag ina-upload yung Word file, sa Deepseek walang lumalabas na error kaya yun yung ginamit ko.
R: Marami bang oras ang kailangan para aralin isa-isa ang mga tanong?
M: Depende sa tanong, karamihan inaabot ako ng isang oras bawat isa. Inaaral ko ang ibig sabihin ng mga salita, tapos sinasaulo ko yung sagot siyempre. May mga 200 na tanong yata yon, kaya mga 200 hours ang binigay ko para sa pag-aaral para sa mga sample questions.
R: 200 hours para lang sa mga sample questions.
M: Para lang sa mga sample questions. Kung lahat-lahat ng oras na binigay ko sa pag-aaral ng Nihongo kasama ang mga sample questions, hindi siguro bababa sa 500 hours.
R: Kung mag-aaral ka ng 1 oras/1 araw, araw-araw walang palya, aabutin ka ng mahigit isa’t kalahating taon.
M: Mga ganoon nga.
R: Tungkol naman sa test, marami bang lumabas na tanong ang naaaral mo?
M: Marami, kaya importante ang rebyuhin yung mga sample questions. May mga tanong na hindi naman eksantong lumabas sa sample questions pero may konting pagbabago lang. May mga tanong tungkol sa 4M, ISO9001, at PDCA cycle. Dito sa trabaho namin naririnig ko ring itinuturo ang mga ito.
R: Pagkatapos mo kunin yung test, confident ka ba na pumasa ka?
M: Feeling ko parang 50-50 yung chance, ilang weeks pa bago lumabas yung result kaya naisip ko baka bagsak. Kaya masaya ako nung nalaman ko na pasado.
Pero sa haba ng oras na binigay ko sa pag-aaral, 65% lang nakuha kong tama. 40 questions yon, kaya yung 65% ay 26 questions na tama. Pero 60% lang ang passing, kaya kahit na mababa lang ang score ko masaya na rin ako dahil pasado.
Ang importante mapasa yung test at makuha yung certificate. Tsaka marami akong natutunan na Nihongo dahil sa pag-aaral nitong test na ito.
Class 3 Production Management Planning Specialist Certificate of Passing from Javada
R: First try at pasado kaagad, congratulations ulit! Pero maiba tayo ng usapan: ano ang motivation mo sa pag-aaral para maipasa itong test para sa SSW2? Naisip mo bang dito ka na sa Japan magtatagal? O naisip mo ring umuwi sa Pilipinas?
M: Matagal na rin akong naninirahan sa Japan at gusto ko ang buhay dito kumpara sa Pilipinas. Kung makakakuha ako ng SSW2 visa, wala nang limit na makakapag-trabaho sa Japan, pwede pang mag-apply ng permanent visa.[3]
Kung hindi ako makakuha ng SSW2 visa at kailangan akong umuwi sa Pilipinas, malamang maghahanap din ako ng paraan para makapunta sa ibang bansa. Pero dahil nandito na ako, naisip ko na mas madaling mag-aral para ipasa itong test para sa SSW2 kaysa umuwi pa ako sa Pilipinas at maghanap ng paraan para makapunta sa ibang bansa.
R: Kung sakaling ipasa mo rin yung Manufacturing Sector Evaluation test at makakuha ka ng SSW2 visa, ano ang long-term plan mo sa hinaharap?
M: Palagay ko madali lang ipasa yung isa pang exam. Kapag nakakuha na ako ng SSW2 visa, siguro mag-a-apply ako ng permanent residence visa pagkatapos ng 5 years.
R: Sana mapasa mo yung susunod na test para makapag-apply ka na ng SSW2 visa
M: Gambarimasu!
Notes:
May English translation ang sample test ng Electronic Device Assembly dito sa Timog. ↩︎
Maaring gamitin ang LibreOffice Writer para dito kung walang Microsoft Office. ↩︎
Ang benefits ng SSW2 visa ay: A. Walang limit na maaring i-extend ang visa (SSW1 ay 5 years lang maximum); B. Maaring mag-apply na papuntahin sa Japan ang dependents (asawa at anak); C. Maaring mag-apply ng permanent residence pagkatapos ng 5 years. ↩︎




