Limang araw na Golden Week at wala akong ginawa kundi maglakad/magbisikleta papunta sa bakery sa malapit, makinig ng music, magbasa ng libro at manood ng pelikula.
At isa sa mga ito ay ang The Eel ni Shohei Imamura, ang kaisa-isang Japanese director na nanalo ng dalawang Palme d’Or award, isa para sa pelikulang ito at isa para sa isa pang magaling na Ballad of Narayama.
Napanood ko na ang pelikulang ito mahigit na sampung taon na ang nakakaraan. Iyan ang maganda sa isang magaling na pelikura, papanoorin mo, magagalingan ka, tapos pagkatapos ng ilang taon malilimutan mo na ang mga detalye, tapos papanoorin mo ulit at magagalingan ka ulit.
Kaya nang pinanood ko ulit ito kanina, parang nanood ako ng bagong pelikula, dahil nalimutan ko na kung anong nangyari.
Ang natatandaan ko lang ay pinatay ng main character (Takuro Yamashita played by Kōji Yakusho) ang kanyang asawa dahil nadiskubre niya itong nakikipagtalik sa isang lalaki sa sarili nilang kama habang nasa labas siya isang gabi at namimingwit. Nakulong siya ng walong taon, pinalaya siya on parole, at sinubukan niyang mag-adjust sa kanyang bagong buhay.
Nga pala, sa loob ng kulungan ay may naging alaga siyang palos: sabi niya, “Pinapakinggan kasi niya ang sinasabi ko. At hindi siya nagsasabi ng mga bagay na hindi ko gustong marinig.”
Ang alam ko lang sa unagi ay noong dumating kami sa Tsukuba, may malapit sa aming restaurant na unagi at specialty. Masarap ang palos, kung tama ang luto.
Pero mabalik tayo sa pelikulang ito: pagkatapos ng ilang taon ay malamang papanoorin ko na naman ito at matutuwa na naman ako sa ending.
Bigla ko tuloy naisip na bisitahin ang Sawara sa may Katori, Chiba, kung saan ginawa ang filming ng pelikulang ito, baka nandoon pa yung barber shop ni Yamashita.
Directed by | Shohei Imamura |
Written by | Shohei Imamura, Daisuke Tengan, Motofumi Tomikawa, Akira Yoshimura |
Produced by | Hiso Ino |
Starring | Kōji Yakusho, Misa Shimizu |
Cinematography | Shigeru Komatsubara |
Edited by | Hajime Okayasu |
Music by | Shin’ichirō Ikebe |
Distributed by | Shochiku (Japan), Mongrel Media (North America), New Yorker Films (Eng-Subs) |
Release dates | 12 May 1997 (premiere at Cannes), 24 May 1997 (Japan), 21 August 1998 (U.S.), 20 November 1998 (UK) |
Running time | 117 minutes |
Country | Japan |
Language | Japanese |
Box office | $5,151,326 |