Walang tatalo sa pagbibisikleta para sa pag-explore ang lugar sa paligid ng tirahan. 5x na mas mabilis sa paglalakad, pero maaring huminto halos kahit saan para tignan ang paligid o kumuha ng picture.
Isa din ito sa mga safe na gawin sa panahon ngayon ng Covid, huwag lang kalimutan ang mask kung sakaling papasok sa mga kombini para bumili ng inumin at pagkain.
Dahil madaling huminto ay maraming bagay ang mapapansin (at makukuhanan ng picture), kagaya nitong coffee shop sign sa tabi ng daan. Hindi pa daw bukas.
Gate valve sa daan na may logo ng Tsuchiura, Ibaraki Prefecture.
Ito naman ay recyclablable garbage na nakaayos sa daan.
Sabado pala ang tapunan ng bote, can at PET bottles sa lugar na ito, at may designated na lugar kung saan ilalagay ang mga recyclable garbage, hindi lang sa ordinaryong tapunan ng mga burnable na busura. Pati mga bote ay nakahiwalay sa clear, kulay brown at kulay green. Magaling.
Meron ding basurang hindi kinuha ng garbage collector dahil hindi nakalagay sa tamang plastik.
Masisikip ang daan sa lugar na ito kaya tamang-tama ang bisikleta. 6:40 pa lang ng umaga kaya hindi pa mainit. Maraming mga salamin para madaling makita ng mga sasakyan kung may parating na tao o sasakyan.
Maraming pulang post box na makikita sa iba’t-ibang lugar sa Japan. Sa panahon ngayon ng Internet at instant communication ay bumaba na ang paggamit ng mga post box pero magandang isipin na regular at efficient pa rin ang pagkolekta at pag-deliver ng sulat.
Dito sa isang bahay ay maraming bonsai at naalala ko itong tanong sa Reddit kung normal ang magbigay sa ibang tao ng bonsai para sa magpasalamat. Puwede siguro: “Salamat nang marami, ito para sa iyo, bonsai.”
Dumating na ako sa riles ng tren sa may Arakawaoki Station. Papunta sa Fukushima ang kaliwa at Tokyo naman ang kanan.
Pagkatapos uminom ng kape, pauwi ay napadaan ako sa isang second-hand shop kung saan may mga kung ano-anong lumang-lumang abubot sa paligid.
May mga lumang libro sa labas na tig-20 yen ang isa. Madaming libro sa Japan (at nakasulat sa Nihongo, hindi English) at marami ding library at community center na may mga libro kaya mataas ang literacy rate sa bansa.
Ito ang binili ko: Diary of a Young Girl ni Anne Frank. Bumibili ako ng Nihongo version ng isang libro para puwede kong pagkumparahin ang English at Nihongo version. Pero mahilig din naman akong bumili ng libro na hindi ko naman binabasa.