Umagang makulimlim sa Hotel X World sa Tsuchiura

Lately, kapag hindi umuulan ay nagbibisikleta ako mula sa Tsukuba papunta sa Arakawaoki para sa trabaho.

Nung isang araw, may nadiskubre akong daan na malayo sa main road, papasok sa Doho Park, lalabas papunta sa Repsa Shopping Center sa may Route 354, at tatagos sa isang maliit na eskinitang bisikleta lang ang nakakadaan, papunta sa mga palayan sa ilalim ng Joban Expressway, papasok sa Ottonuma Park, at lalabas ulit sa main road papunta sa Joyful Honda sa Arakawaoki.

Nadadaanan ng rutang ito ang Hotel X World, isang love hotel na nadiskubre kong abandonada na. May ilang dekada ko nang nakikita ang karatula ng motel na ito mula sa main road ng Route 55, pero ngayon ko lang nalapitan nang ganito nang nagsimula ulit akong magbisikleta.


Umagang makulimlim sa likod ng Hotel X World, sa tabi ng mga palayan na malapit sa Ottonuma Park

Kahit ngayong nadaanan ko na nang malapit, hindi pa rin maliwanag sa akin kung paano ito nararating ng mga kotse mula sa main road. Kaya siguro nalugi at nagsara. O baka naman dahil talaga sa tumatanda na ang populasyon ng Japan kaya kumokonti na ang mga kabataang naghahanap ng panandaliang aliw.

Gaya ng maraming abandonadang gusali, may creepy vibes kapag dumadaan ako sa tabi ng motel na ito. Hindi kagaya ng ordinaryong mga gusali sa Japan na maayos at malinis, marami ang basag na bintana, may makikitang mga ibon na namumugad sa loob, unti-unting kinakain ng kudzu ang paligid, at sa harap ay may bakas ng sunog na naganap sa isang palapag.

Bakit ba nakakakilabot ang mga abadonadang lugar na kagaya nito? Siguro dahil may evolutionary instinct tayo na umiwas sa sakit, panganib, malas at kamatayan na iniuugnay natin sa mga lugar na ganito.

May nabasa pa ako na may nangyaring krimen dito maraming taon na ang nakakalipas:

Naaalala ko ang isang pagpatay na naganap sa X World ilang dekada na ang nakalilipas. Marahil ay may kung anong gumugulo sa lugar na iyon, o may mga kakaibang nangyayari doon; sinisigurado kong lumalayo tuwing dadaan ako doon. Bihira akong lumapit sa lugar na iyon, kaya hindi ako sigurado kung bukas pa rin ito. Sa palagay ko ay hindi pupunta roon ang sinumang nakakaalam ng kasaysayan nito. Naaalala ko na tuloy pa ring bukas ito pagkatapos ng insidente. Nakabukas ang mga ilaw kapag dumadaan ako sa gabi, at iniisip ko kung may mangyayari. Naging balita ito noon, ngunit ngayon, wala nang lumalabas kahit i-search mo ito.

Mas maganda sigurong hindi ko na lang nabasa ito; maraming beses kong dadaanan ito sa gabi.